-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Dismayado si Sorsogon Governor Chiz Escudero sa umano’y usad pagong na imbestigasyon sa pamamaril-patay sa mediaman na si Jobert Bercasio.

Ayon kay Dong Mendoza, tagapagsalita ng gobernador sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, “frustrated” umano ang opisyal dahil wala pa ring lead na makapagtuturo sa posibleng suspek sa pagpatay sa naturang mamamahayag.

Ayaw aniya ni Governor Chiz na matulad ang kaso ni Bercasio sa iba pang mga insidente ng pagpatay sa mga media personalities na naibaon na lang sa limot dahil sa walang malinaw na resulta ang pagsisiyasat.

Dagdag pa ni Mendoza na personal na kilala ng gobernador si Bercasio kaya alam nito na mabuting tao ang naturang biktima.

Kaugnay nito, sa pormal na pag-upo naman ni Pol. Col. Arturo Brual Jr. bilang provincial director ng Sorsogon Police Provincial Office, isa sa marching order ng gobernador ang agarang pagbibigay ng hustisya sa naturang mamamahayag.

Samantala, kinuwestyon naman ng opisyal kung bakit hindi naharang sa mga checkpoints sa lalawigan ang gunman na gumamit umano ng long firearm sa pamamaril.