-- Advertisements --
SONA Zarate 2

LEGAZPI CITY – Inihahanda na ng mga progresibong kongresista ang mga isusuot para sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Rep. Carlos Isagani Zarate sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, isang protest barong ang kaniyang isusuot na COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) inspired ang palamuti.

Sinasalamin aniya nito ang kakulangan ng suplay ng bakuna at hindi pantay-pantay na distribusyon sa lahat ng rehiyon sa bansa.

Kabilang din dito ang mga panawagan sa pagsisiyasat sa pondo ng Bayanihan 1 at Bayanihan 2 at ang umano’y anomalya sa pamimigay ng ayuda.

Ang naturang protest barong ay disenyo ni Allyster Arroza, isang fine arts student sa University of the Philippines-Diliman.

Inaasahan na rin ang iba pang miyembro ng Makabayan bloc na may kanya-kanyang estilo ng SONA protest attire sa darating na Lunes, Hulyo 26.

Samantala, isa si Zarate sa mangunguna sa kilos-protestang isasagawa sa harap ng Kongreso sa pinakahuling SONA ng Pangulo.