Nananawagan ngayon ang mamamayan sa susunod na administrasyon na gumawa ng paraan para masolusyonan na ang kahirapang nararanasan ngayon sa bansa.
Ito ay matapos na iulat ng Commission on Population and Development (POPCOM) na nadagdagan at pumalo na sa 4.6 million ang bilang ng mahihirap na pamilyang Pilipino ngayon batay sa pinakahuling naging pag-aaral ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa pag-iikot ng Bombo Radyo Philippines ay nakilala namin si Lucille “Oso” Melancio Agreda na pansamantalang nagpahinga sa silong dahil sa matinding sikat ng araw.
Ayon kay Oso, maituturing daw na kabilang siya sa mga mahihirap na tinukoy ng POPCOM at PSA.
Mula pa kasi noong taong 2016 nang magsimula siya sa pagbebenta ng sapatos kung saan ay maswerte na raw na kumita siya ng 400 pesos hanggang 500 pesos ay hanggang ngayon ay wala pa rin daw naging pagbabago sa kaniyang buhay.
Aniya, kahit mahirap ay tina-tiyaga nalang daw niya ang pagtitinda para lang may maiuwi siya sa kaniyang pamilya.
Ito ang dahilan kung bakit umaasa siya na magkakaroon ng pagbabago at mabibigyan ng magandang buhay ang mga Pilipinong nagdurusa hanggang ngayon ng dahil sa kahirapan.
Samantala, kaugnay nito ay ipinahayag ni POPCOM Executive Director, Usec. Juan Antonio Perez III ang pagnanais nila na baguhin at pag-aralan muli ang wage policy sa bansa para makatulong na maibsan ang hirap na dinaranas ngayon ng ating mga kababayan.
Batay kasi aniya sa mga pag-aaral, lumalabas na three times ng kasalukuyang minimum wage ang kinakailangan para lubos na masuportahan ang lahat ng pangangailangan ng isang pamilya.
Nakabatay daw kasi dapat ang minimum wage sa pangangailangan ng isang pamilya at hindi sa foreign investment at pangangailangan ng negosyo sa bansa.
Dahilan kung bakit nila isinusulong ang rekomendasyong kanilang inihain sa Department of Labor and Employment (DOLE), regional development councils, at mga wage board na muling pag-aralan at gamitin ang living wage para alamin ang karapatdapat na minimum wage sa bansa.
Magugunita na una nang sinabi ng POPCOM na sa ngayon ay hindi na sasapat ang isang income earner kada sambahayan para masuportahan ang pangangailangan ng isang pamilya dahilan kung bakit dapat anila na hindi bababa sa dalawang income earners ang mayroon sa isang pamilya para maitawid ito sa poverty line.