-- Advertisements --

Arestado ng Taguig City Police Office ang itinuturing na No. 2 Most Wanted Person ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Nakilala ang suspek na si Jomar Salik na naaresto sa Manalili Street sa Barangay Upper Bicutan, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Marivic Cudilla Vitor ng RTC Branch 266, Taguig City, na walang inirekomendang piyansa.

Batay sa ulat ng Taguig City Police Office, ilang araw na nagsagawa ng masusing surveillance at background checks ang kanilang intelligence operatives bago ito naaresto noong October 7.

Napag-alaman na ang akusado ay miyembro rin ng John Rol De Guzman Carnapping Group na nasa watchlist ng pulisya.

Ayon kay Taguig City Police Chief PCol. Byron Allatog, naging matagumpay ang operasyon dahil sa epektibong teamwork at intelligence work.

Pinuri naman ni Taguig City Mayor Lani Cayetano ang mabilis at maayos na aksyon ng pulisya at muling tiniyak ang buong suporta ng lokal na pamahalaan sa mga hakbang para mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa lungsod.