Epektibo ngayong araw ng Martes, Hunyo 23 ang malakihang bawas sa presyo ng produktong petrolyo ayon sa Department of Energy (DOE).
Bababa ang presyo ng gasolina ng P3.90 hanggang P5.90 kada litro, habang ang diesel ay magkakaroon ng bawas-presyo na P9.04 hanggang P11.04 kada litro. Maglalaro naman sa P9.82 hanggang P11.82 kada litro ang rollback sa kerosene.
Ayon sa DOE, ang pagbaba ng presyo ay bunsod ng pag-stabilize ng pandaigdigang merkado ng langis matapos ang positibong pag-unlad sa usapin sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Matatandaang noong nakaraang linggo ay nagkaroon na rin ng bahagyang bawas-presyo sa ilang produktong petrolyo, partikular sa diesel at kerosene.
Sa kabila nito, nananatili pa ring mas mataas ang presyo ng mga produktong petrolyo kumpara sa simula ng taon. Batay sa datos ng DOE, umaabot pa rin kasi sa mahigit P47.02 per liter ang net increase ng gasolina ngayong taon, habang mahigit P39.71 per liter naman sa diesel at P37.30 per liter sa kerosene.
Samantala, tiniyak ng ahensya na sapat ang suplay ng langis sa bansa.
Ayon sa pinakahuling tala noong Hunyo 19, 2026, ang kabuuang imbentaryo ng produktong petrolyo ay katumbas ng 43.86 araw na suplay.
Kabilang dito ang 43.75 araw para sa gasolina, 40.42 araw para sa diesel, 128.96 araw para sa kerosene, 68.30 araw para sa jet fuel, 38.21 araw para sa fuel oil, at 42.86 araw para sa liquefied petroleum gas (LPG).
















