-- Advertisements --

Naghain si Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima ng panukalang batas na magbabawal sa paglalagay ng expiration period sa prepaid load credits ng mga telco.

Sa ilalim ng House Bill No. 9903 o “Prepaid Load Forever Act,” magiging labag sa batas ang pag-expire ng hindi nagagamit na load, pagkumpiska ng natitirang load sa aktibong account, at pagtangging ibalik ang nakumpiskang load nang walang sapat na dahilan.

Ayon kay De Lima, hindi makatarungan na mawalan ng bisa ang load na nabili at pagmamay-ari na ng mga consumer. 

Aniya, napipilitan ang mga subscriber na ubusin agad ang kanilang load upang hindi ito masayang.

Batay sa kasalukuyang patakaran ng NTC, DICT, at DTI, may isang taong validity period ang lahat ng prepaid load credits. 

Sinabi ni De Lima na nagreresulta ito sa pagkakawala ng bilyun-bilyong pisong halaga ng load ng mga consumer kada taon.

May probisyon din ang panukala para sa mga account na hindi nagamit sa loob ng isang taon, kung saan maaaring kaltasan ng ₱1 kada araw ang natitirang load hanggang sa maubos ito.

Bukod dito, naghain din si De Lima ng House Bill No. 9859 na naglalayong magbigay ng 20% diskwento sa mobile load, tawag, text, at internet services para sa mga estudyante.