-- Advertisements --

Pinag-aaralan ngayon ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso kung paano mapapabilis ang proseso ng impeachment trial proceedings nang hindi naaapektuhan ang iba pang mahahalagang gawain ng pamahalaan.

Ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian, tinatayang aabot kasi ng pito hanggang walong buwan ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Kung magsisimula ang paglilitis sa Hulyo 6, posibleng matapos aniya ito bandang Pebrero ng susunod na taon.

Pero aminado ang Senate President na magiging mahirap ang kanilang iskedyul dahil kasabay nito ang iba pang mahahalagang trabaho, tulad ng pagtalakay sa 2027 national budget, mga imbestigasyon sa mga isyu tulad ng umano’y problema sa flood control projects, at iba pang panukalang batas.

Dahil dito, pinag-aaralan ng Senado kung paano paiikliin ang proseso ng paglilitis.

Kabilang sa mga posibleng hakbang ang pakikipag-usap sa kampo ng prosekusyon at depensa para bawasan ang bilang ng mga testigo at gawing mas mabilis ang paglalahad ng mga ebidensya.

Ayon kay Gatchalian, may humigit-kumulang 10,000 dokumento at ebidensya na maaaring pag-aralan sa kaso. Kung lahat ng ito ay isa-isang tatalakayin, maaaring mas humaba pa ang paglilitis.

Gayunpaman, sinabi ni Gatchalian na ilalabas ng Senado ang pre-trial order at bibigyan ang magkabilang panig ng tatlong araw upang magsumite ng kanilang komento bago ang pormal na pagsisimula ng paglilitis.

Bukod dito magpapatupad din ang Senado ng mas mahigpit na seguridad sa loob at paligid ng gusali upang matiyak ang maayos na daloy ng impeachment proceedings.

Ayon pa kay Gatchalian, personal niyang inaaral ang naging impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona noong 2012 upang makakuha ng mga notes na maaaring magamit sa kasalukuyang proseso.

Sinabi niya na malaking bahagi ng paghahanda ay pinangungunahan ni Senate Secretary at Clerk of Court Atty. Rey Bantug, kasama ang iba pang opisyal ng Senado.