-- Advertisements --

Nanawagan ang ilang kongresista sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na alisin na ang bureaucratic red tape para mapabilis ang prosesong pinagdadaanan ng mga repatriated overseas Filipino workers (OWFs) na kasalukuyang nasa hotel-stays pa rin kahit tapos na sa mandatory 14-day quarantine.

Sa virtual hearing ng House Committee on Overseas Workers Affairs, binatikos ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas at Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite ang matagal na pag-release sa quarantine certificate ng mga repatriated OFWs na sumailalim sa COVID-19 test.

Binigyan diin ni Brosas na habang tumatagal ang pananatili ng mga OFWs sa mga quarantine facilities ay lalong tumataas naman ang tyansa ng mga ito na mahawa sa nakakamatay na sakit.

Iginiit naman ni Gaite na malaking dagok na para sa mga OFWs na ito ang umuwi sa Pilipinas matapos mawalan ng trabaho at pahirap pa sa mga ito sa ngayon ang mabagal na sistema na kanilang kailangan pagdanaan bago makauwi sa kanikanilang tahanan.

Nababahala naman ang nurse na si Justeen sa kanyang kalusugan matapos na makasama sa quarantine facility ang isang kapwa OFW na nagpositibo sa COVID-19.

Sakanyang salaysay, sinabi ni Justeen na pinagkasya silang limang OFWs sa loob ng isang kwarto sa hotel na kanilang tinutuluyan para sa 14-day quarantine.

Ayon kay Justeen, 27 araw na siyang nasa quarantine facility sa ngayon ay hindi pa rin nila nakukuha ang certificate mula sa Bureau of Quarantine.

Gayunman, nangako si OWWA administrator Hans Leo Cacdac sisikapin nilang mapabilis ang sistemang ipinapatupad sa ngayon para mapabilis ang releasing ng quarantine papers ng mga OFWs.