-- Advertisements --

Pabor ang ilang kongresista para sa gradual reopening ng mga campuses para sa face-to-face classes sa susunod na taon pero sa ilang kondisyon.

Para kay ACT-CIS Party-list Rep. Jocelyn Tulfo, maaring simula ang reopening ng face-to-face classes sa college level at graduate school level muna bago ang mga senior high schools, junior high schools hanggang sa Grade 6 pababa sa kindergarten.

Pero bago ito, kailangan aniya na mabigyan muna ng bakuna ang mga estudyante, guro at school personnel upang matiyak ang kanilang kaligtasan.

Maging si BHW Party-list Rep. Angelica Natasha Co ay ganito rin ang posisyon kahit pa masasabi na mainam kung makabalik sa face-to-face learning ang mga estudyante sa lalong madaling panahon.

Kaya ayon kay Tulfo, dapat na humanap ng paraan Commission on Higher Education (CHED) at Department of Education (DepEd) sa pagpapatupad ng COVID-19 vaccination program katuwang ang Department of Health (DOH) sa oras na maging available na sa bansa ang naturang bakuna.

Samantala, para naman kay House Committee on Professional Regulation chairman Frederick Siao, maari nang mag-resume nang ligtas ang board exams sa mga lugar na nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ) at sa mas malawak na lokasyon upang maipapatupad pa rin ang social distancing.

Masyado nang mahaba aniya kung aabutin ng dalawang taon ang hindi pagdaraos ng board exams dahil may epekto na rin ito sa supply ng mga licensed professionals bansa.