-- Advertisements --

Naniniwala ang ilang beteranong kongresista na wala nang inaasahang pasabog sa nalalabing tatlong session days sa Kamara bago ang kanilang congressional recess sa gitna ng umuugong na umano’y ouster plot laban kay Speaker Alan Peter Cayetano.

Sinabi ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr., presidente ng National Unity Party (NUP), wala na siyang nakikitang pangitain na magkakaroon pa muli ng balasahan sa committee chairmanships sa Kamara sa susunod na tatlong araw.

Sa tingin niya mas tutok na sa ngayon ang mga kapwa niya kongresista sa pag-aksyon sa mga mahahalagang usapin.

Noong Lunes ng nakaraang linggo, inihalal ng Kamara si ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap bilang kapalit ni Davao City Rep. Isidro Ungab sa House Committee on Appropriations, at si Kabayan party-list Rep. Ron Salo naman Bilang kapalit ni Oriental Mindoro Rep. Salvador Leachon bilang chair n House of Representatives Electorial Tribunal.

Si Leachon ay kabilang sa kampo ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, na ayon kay Cayetano ang siyang nasa likod ng ouster plot laban sa kanya.

Naniniwala si Barzaga na totoo ang alegasyon ni Cayetano, at hindi naman kumbensido na gawa-gawa lamang ito ng lider ng Kamara upang manatili sa hawak na posisyon.

Samantala, maging si Buhay party-list Rep. Lito Atienza ay naniniwala ring wala nang balasahan sa committee chairmanships na mangyayari sa mga susunod na araw.

Ito ay lalo pa aniya ay nabigo ang aniya’y “Oust me” plot ni Cayetano.