-- Advertisements --

Pinangunahan ni Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa ang pagsasagawa ng inspeksyon sa DOH Tala Warehouse na matatagpuan sa Caloocan City.

Layon ng hakbang na ito na personal na masiguro ang pagiging handa ng 1.3 milyong doses ng bakuna na nakalaan para sa Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity (MR SIA) na gaganapin ngayong Enero.

Ayon sa ahensya, bahagi ito ng kanilang layunin na paigtingin ang pagbabakuna kontra sa mga sakit na tigdas at rubella.

Ipinaliwanag ni Secretary Herbosa na ang tigdas ay isang lubhang nakakahawang sakit.

Aniya , ang isang batang may tigdas ay maaaring makahawa ng humigit-kumulang 16 na iba pang mga bata.

Dahil dito, napakahalaga na mabakunahan ang mga bata upang maiwasan ang pagkalat ng sakit na ito.

Ang unang phase ng malawakang bakunahan ay ilulunsad sa mga rehiyon ng Mindanao at BARMM ngayong Enero.

Target sa unang phase na ito ang 2.8 milyong batang may edad 6 na buwan hanggang 5 taong gulang.

Sa kabuuan, ang DOH ay naglalayong mabakunahan ang 11 milyong bata sa buong bansa.