May mga ipinatupad na reporma ang Department of Education (DepEd) sa pakikipagtulungan ng CHED at TESDA sa pagsasa-ayos sa K to 12 curriculum upang tugunan ang ilang mga isyu na hindi umano sapat ang pagsasanay sa mga estudyante para handang magtrabaho.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara mula sa dating 33 asignatura, ginawa na lamang itong limang required subjects habang ang iba ay ituturing na electives. Layunin nito na bigyan ang mga mag-aaral ng mas malawak na pagpipilian at hindi ikahon sa iisang track tulad ng purong vocational o academic.
Binigyang-diin ni Sec. Angara na sa panahon ngayon ng artificial intelligence (AI), mahalaga ang flexibility, kung saan maaaring pagsabayin ng mga estudyante ang skills training at academic subjects.
Siniguro ng kalihim na kanilang palalakasin ang ugnayan sa industriya upang matugunan ang isyung hindi umano “job-ready” ang mga K to 12 graduates.
Inihayag din ni Angara na kanilang palakasin ang job immersion mula sa 300 oras gagawin na itong 640 oras na katumbas ng halos isang semestre ng aktuwal na karanasan sa trabaho.
Naniniwala si Angara na ang mga pagbabagong ito ay magbibigay ng mas angkop na kasanayan at mas malinaw na landas sa trabaho o kolehiyo para sa mga mag-aaral.










