Nagkasundo ang ilang mambabatas sa Kamara na ipanawagan ang agarang pagpasa ng panukalang 2021 national budget sa gaganaping “special session” ngayong darating na linggo.
Magugunitang naglabas ng Proclamation No. 1027 si Pangulong Rodrigo Duterte nitong Biyernes para aprubahan ng Kamara ang proposed P4.5-trillion budget sa gagawing special session.
Ang panawagan ng presidente ay nilabas sa gitna ng mainit na issue ng term-sharing sa House Speaker post nina Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Ayon kay House Deputy Speaker L-Ray Villafuerte, sesentro lang sa national budget ang special session.
“On Monday we are clearly also meeting in again to really, ma-determine kung anong mga provisions ang magpapaganda ng ating budget,” ani Villafuerte sa isang media briefing.
“We would like to reassure our colleagues, the public na talagang priority natin ngayon ay budget. Kung may naririnig tayong mga balita regarding politics and other issues, palagay ko isasantabi ‘yan ng Congress dahil malinaw ang instruction ng presidente,” dagdag ng kongresista.
Pareho rin ang sentimyento ng iba pang majority congressman tulad nina Deputy Speaker Butch Pichay, at representatives Elpidio Barzaga (Cavite) at Mike Defensor (Anakalusugan Party-list).
“It is really important that we pass the budget for 2021 on third reading before we go on recess… we have to address the problem of COVID-19,” ani Pichay.
“Magtrabaho muna tayo, yung pulitika madali naman yon eh. Ang kawawa dito ang taong bayan, kaya ang pondo ng ating bansa unahin natin dahil mahalaga ito sa ating bayan,” ayon naman kay Defensor.
Sa panig ng minorya, tiniyak ni Minority Leader Bienvenido Abante na kaisa ng Kamara ang kanilang hanay sa pangunahing agenda ng special session na maipasa ang panukalang budget.
“Ia-assure ko sa majority, hindi manggagaling ang panggugulo sa minority sapagkat nagkakaisa kami na dapat talaga i-approve yung budget. Kung may manggugulo man, mahiya sila sa taong bayan.”
Para sa mga mambabatas hindi pa sarado ang issue sa speakership, pero sa ngayon, ang mas matimbang sa kanila ay maipasa ang panukalang budget gaya ng pangako nila sa presidente.
“Pag-aralan natin mabuti ang budget, pagkatapos, tsaka na yung mga ibang bagay saka na natin pagusapan,” ani Caloocan Rep. Edgar Erice.
“Budget muna bago pulitika,” ani Barzaga.