Umaapela ang isang kongresista sa Department of Trade and Industry (DTI) na ilibre ang bayad sa upa ng mga maliliit na negosyo sa bansa sa kabuuang panahong itinagal ng enhanced community quarantine.
Sa kanyang liham kay Trade Sec. Ramon Lopez noong Abril 13, 2020, hiniling ni Ang Probinsyano party-list Rep. Alfred Delos Santos na baguhin ng DTI ang Memorandum Circular No. 20-12 na nagbibigay ng grace period sa pagbabayad ng commercial rental fee dahil sa Luzon-wide lockdown.
Pero sa halip na bigyan ng 30-day grace period o six-month instalment payment plan, iginiit ni De Los Santos na mas mainam kung i-waive na lamang ang rental fees ng mga negosyong napapabilang sa micro, small and medium enterprises (MSMEs).
Sa pamamagitan nito ay mas mabibigyan aniya ang MSMEs ng pagkakataon na makabangon sa kanilang pagkalugi at manatiling financially afloat pagkatapos na matanggal na ang enhanced community quarantine.
Iginiit ng kongresista na ang mga MSMEs ay walang kita sa ngayon pero sa kabila nang tigil operasyon ay patuloy namang nagpapasahod ang ilan sa mga ito bukod pa sa aniya’y passive operational costs para sa kanilang mga kagamitan at storage.
Dapat na pangahalagahan aniya ang mga MSMEs bilang ito ang siyang “backbone” ng ekonomiya ng bansa dahil malaking 3.4 million trabaho ang nililikha nito.
Kung malugi ang mga ito asahan na rin aniya ang domino effect sa ekonomiya ng bansa.