-- Advertisements --

Pinatitiyak ni Assistant Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro sa pamahalaan ang pagkakaroon ng sapat at cost efficient na COVID-19 vaccines sa Pilipinas.

Kasabay nito ay ang pagtitiyak din aniya na walang vulnerable sector ang mapag-iiwanan sa bakuna katulad na lamang ng mga education frontliners.

Sinabi ni Castro na hindi na dapat maulit pagdating sa COVID-19 vaccination ang palakasan, patagalan at paasahan ng pamahalaan para sa mga frontliners lalo na ang healthcare workers katulad ng nangyari sa testing ng COVID-19.

Kaya nga tinutulugsa aniya nila ang mahal, kulang sa mga testing at corruption-ridden na vaccine deals dahil dudulo ito sa pagtitipit at mapipilitang may maiiwan na mga sektro na hindi mabakunahan tulad ng mga education frontliners.

Sa buong panahon nang nasa ilalim ng lockdown ang Pilipinas, iginiit ni Castro na halos mumo ang natatanggap ng mga guro at kawani ng edukasyon dahil sa mababang pagprayoridad ng Duterte administration sa sektor ng edukasyon.

Makikita naman aniya ito sa panukalang pondo para sa susunod na taon kung saan mas malaki pa ang inilaan ng administrasyon sa NTF-ELCAC kaysa module at internet allowance ng mga guro.