-- Advertisements --

Kumpiyansa si Bicol Saro Partylist Representative Brian Raymund Yamsuan na maisakatuparan ang pagbuhay at modernisasyon ng Philippine National Railways’ (PNR) Bicol Express rail line sa ilalim ng Marcos Jr. administration.

Ito’y kahit inabandona na ng Department of Transportation (DOTr) ang China bilang funding source ng nasabing proyekto.

Inihayag ni Yamsuan na ang isang pangunahing indikasyon na nagpapakita pa rin ng interes si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ituloy ang nasabing proyekto ay ang kamakailang groundbreaking ng mga resettlement site para sa mga residente ng Laguna at Quezon na maaapektuhan ng pagtatayo ng rail project.

Nais kasing matiyak ng Pangulo na hindi napababayaan ang mga apektadong residente sa pagbuhay at pag modernize sa Bicol Express.

Inihayag ni Yamsuan na hindi katapusan ang pag drop ng China sa nasabing proyekto.

Aniya maari pang pag tap sa iba pang mapagkukunan ng pagpopondo na nag-aalok ng mas cost-effective financing packages.
Matagal nang isinusulong ni Yamsuan ang muling pagbuhay ng dating sikat na Bicol Express rail line bilang isang moderno, mahusay at environment-friendly na paraan ng transportasyon.

Ang first stage ng muling pagbuhay ng linya ng Bicol Express, na kilala bilang South Long Haul Project, ay magsisimula sa Banlic sa Laguna at dadaan sa ilang lugar ng lalawigang iyon at sa mga lalawigan ng Quezon, Camarines Sur at Albay.

Magtatapos ang linya sa Daraga, Albay, tinitingnan din ang extension ng linya sa Sorsogon.

Inihayag ni Transportation Secretary Jaime Bautisa na nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Finance (DOF) para maghanap ng ibang funding sources sa nasabing proyekto.

Ipinanukala naaman ni Yamsuan na maaring ipatupad ang proyekto sa pamamagitan ng Public Private Partnership (PPP) kung saan maaring i-tap ang ilang foreign funding institutions gaya ng Asian Development Bank (ADB) at Japan International Cooperation Agency (JICA) na siyang magbigay ng pondo para sa electromechanical system ng nasabing proyekto.

Naniniwala kasi si Yamsuan ang pagbuhay sa Bicol Express ay isang game-changer na makakatulong sa paglago ng ekonomiya sa bahagi ng South Luzon.

Magbubukas din ito ng maraming trabaho para sa mga Bicolano.