Ipinarerekonsidera ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez kay Pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon na tapusin ang Visiting Forces Agreement (VFA) ng Pilipinas sa tropa ng America.
Binigyan diin ni Rodriguez na bagama’t mayroong kapangyarihan ang Pangulo para i-terminate ang naturang kasunduan ay hindi naman ito makakabuti para sa interes at seguridad na rin ng Pilipinas.
Ito ay lalo pa’t umiiral pa rin aniya ang sigalot sa pagitan naman ng Pilipinas at China sa exclusive economic zone sa West Philippine Sea.
Inihalimbawa ni Rodriguez ang makailang ulit na harassment ng China sa mga Pilipinong manginigsda sa Panatag Shoal, pati na rin ang sana ay pagpigil sa resupply sa barko ng Philippine Navy na BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Sa oras na lumala ang tensyon, giit ng kongresista na ang Estados Unidos ay isa sa mga posibleng tumulong sa Pilipinas dahil na rin sa VFA.