Naniniwala ang batikang political analyst na si Mon Casiple na malaki ang gagampanan ng Kongreso sa administrasyong Duterte sa harap na rin ng banta ng impeachment.
Sinabi ni Casiple na mainit ang usapin hinggil sa West Philippine Sea at ang banta ng impeachment hanggang sa huling nalalabing tatlong taong termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Dahil dito, sinabi ni Casiple na kailangan na magkaroon ng matatag na lider sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Hindi man aniya aminin ng Presidente pero nararapat lamang na ang manok nito ang siyang mananalong lider ng Kamara sa 18th Congress.
Una rito, nagbanta ang Makabayan bloc na maghahain sila ng impeachment complaint laban sa Punong Ehekutibo.
Magiging basehan daw nila rito ay ang naging pahayag naman ni Supreme Court Associate Justice Antonio Caprio na paglabag sa Saligang Batas ang pagpayag ng Pangulo sa mga Chinese fishermen sa Philippine Exclusive Economic Zone.
Nauna nang inamin ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio na nilapitan silang nasa Makabayan Bloc ng ilan sa mga nagnanais na maging susunod na Speaker ng House of Representatives.
Kinausap daw sila nina Marinduque Rep. Lord Allan Velasco at ni Leyte Representative-elect Martin Romualdez, subalit tumanggi naman itong sabihin kung ano ang kanilang natalakay.
Sa kabilang dako, naniniwala si Casiple na malaking puntos ang nawala kay Velasco matapos itong tumanggi sa napagkasunduan nilang term-sharing ni Taguig City Representative-elect Alan Peter Cayetano, na may basbas na sana ni Pangulong Dutrete.
Para sa batikang political analyst, isa itong pagtalikod sa hangarin ni Pangulong Duterte.