Napatunayan ng pulisya sa South Korea na “false” o walang katotohanan ang mga alegasyon na nakipagrelasyon ang Hallyu star na si Kim Soo-hyun sa yumaong aktres na si Kim Sae-ron noong siya ay menor de edad pa.
Base sa lumabas sa mga imbestigasyon, ang mga paratang na ito ay gawa-gawa lamang at gumamit ng mga minanipulang ebidensya gaya ng AI-generated na boses at binagong screenshots.
Natuklasan ng Seoul Gangnam Police na ang YouTube channel na “HoverLab” o mas kilala bilang Garo Sero Institute ay nagpalabas ng mga pekeng usapan sa KakaoTalk at minanipulang audio.
Ayon sa pulisya, alam ng nagpapatakbo ng channel na peke ang mga ito ngunit sinadya pa rin nilang ikalat para sirain ang imahe ng aktor at kumita sa YouTube.
Dahil dito, naghain na ang Seoul Central District Prosecutors’ Office ng arrest warrant laban sa head ng YouTube channel na si Kim Se-eui. Nakatakdang dinggin ang warrant review hearing sa Mayo a-26.
Nahaharap ngayon si Kim Se-eui sa kasong paglabag sa batas kaugnay ng illegal distribution ng materyales.
Maaalala, nauna nang iginiit ng kampo ng pamilya ni Kim Sae-ron, sa pamamagitan ng nasabing YouTube channel, na nagkaroon umano ng relasyon ang dalawa noong underage pa ang aktres.
Subalit, pinabulaanan ni Kim Soo-hyun at ng kanyang agency na GoldMedalist ang mga akusasyon na sila ay naging magkasintahan noong bata pa si Kim Sae-ron, at iginiit na sila ay nagkaroon lamang ng relasyon noong pareho na silang nasa legal na edad.
Si Kim Sae-ron ay nakilala bilang child actress sa pelikulang “The Man from Nowhere” noong 2010 ngunit naging inactive sa showbiz matapos masangkot sa drunk driving incident noong 2022. Natagpuan siyang patay sa kanyang bahay noong Pebrero 2025 sa edad na 24, na pilit na ikinakabit sa aktor.
Sa ngayon, maraming fans ang nakaabang sa muling pagbabalik sa spotlight ng aktor matapos mawala ng mahabang panahon mula nang pumutok ang naturang kontrobersiya.
Ilang proyekto na rin na pinagbibidahan ng premyadong aktor ang nakansela at hindi muna ipinalabas matapos makaladkad ang kaniyang pangalan sa naturang isyu kabilang na ang “Knock-Off” na inisyal na nakatakdang ipalabas sana noong unang bahagi ng 2025.
















