-- Advertisements --

Masayang inanunsyo ng South Korean actor Kim Soo-hyun ang kanyang pagbabalik sa publiko matapos ang mahigit isang taong pananahimik dahil sa kontrobersiyang kinasangkutan niya.

Ayon sa kanyang talent agency, nakatakda siyang mag-shoot ng advertisement para sa isang kilalang fashion brand sa Pilipinas sa susunod na buwan.

Kinumpirma ng agency ni Kim Soo-hyun na isa siya sa mga kukuning brand ambassador para sa isang print advertisement na isasagawa sa Hulyo 14.

Hindi pa malinaw kung sa Pilipinas o sa South Korea gagawin ang naturang shoot.

Ito ang magiging unang opisyal na public appearance ng aktor matapos siyang masangkot sa malalang kontrobersiya na may kaugnayan sa yumaong aktres na si Kim Sae-ron.

Kung saan naharap siya noong nakaraang taon sa mga alegasyong nagkaroon umano sila ng relasyon ni Kim Sae-ron noong menor de edad pa ang aktres.

Mariin namang itinanggi ng aktor ang mga alegasyon at sinabi niyang nagsimula lamang ang kanilang relasyon nang maging legal na ang edad ni Kim Sae-ron.

Noong Pebrero 2025, natagpuang patay si Kim Sae-ron, na iniulat na nagpakamatay sa mismong kaarawan ni Kim Soo-hyun.

Dahil sa kontrobersiya, ilang malalaking kumpanya at proyekto ang umano’y huminto sa pakikipagtrabaho sa aktor.

Samantala, natukoy sa mga imbestigasyon ng pulisya na ang ilang KakaoTalk messages at audio recordings na ipinakita laban sa aktor ay umano’y edited.

Dahil dito, naghain ang aktor ng reklamo sa piskalya laban sa YouTuber na nagpalaganap ng mga naturang materials.