Iginiit ng bagong halal na Senate President na si Sen. Alan Peter Cayetano na tanging arrest warrant mula sa mga korte sa Pilipinas lamang ang kikilalanin kaugnay kay Senador Ronald dela Rosa.
Ito ay matapos ang tangkang pag-silbi sa Senado ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) nitong Lunes, Mayo 11.
Ayon kay Cayetano, malinaw sa Konstitusyon na dapat ay mula sa isang hukom sa Pilipinas ang warrant of arrest bago ito kilalanin ng Senado.
Dagdag niya, karaniwan ay ang mismong senador ang kusang sumusuko matapos maubos ang lahat ng legal na hakbang.
Samantala, nabigo ang naturang pagtatangkang isilbi ang ICC warrant matapos ang habulan sa pagitan ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation at ni Dela Rosa.
Kinondena rin ni Cayetano ang insidente, at sinabing hindi makatarungan ang umano’y pagtugis sa isang senador upang hindi makadalo sa sesyon ng Senado, lalo na kung ang ipiniprisintang warrant ay mula sa ICC na hindi pa umano nila nakita.
















