Nagpahayag ng labis na pagkabahala ang Korean embassy kaugnay sa panibagong insidente ng pagbangga at pambobomba ng tubig ng China Coast Guard sa mga barko ng Pilipinas sa Ayungin shoal.
Sa isang statement, sinabi ng Republic of Korean Embassy na nakabase sa PH na pagbabanta sa kaligtasan ng crew members ng PH ang insidente at nagpapatindi ng tensiyon sa concerned waters.
Ipinunto din ng Embahada na kailangang panatilihin ang kapayapaan, stability at rules-based order sa disputed waters kabilang na ang kalayaan sa paglalayag at overflight salig sa mga prinsiyo ng international law gaya ng UN Convention on the Law of the Sea.
Ginawa ng Korean embassy ang naturang pahayag kasunod ng pagbangga ng CCG sa BRP Sindangan ng PCG at pambobomba ng tubig sa resupply boat ng PH na Unaiza May 4 habang nagsasagawa ng rotation at resupply mission sa tropa ng bansa na nakaistasyon sa military outpost na BRP Sierra Madre na isinadsad sa Ayungin shoal sa West PH Sea.