-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga nagrerekober mula sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa South Korea.

Sa ngayon, aabot na sa mahigit 6,000 habang aabor sa 3,900 ang active Covid cases doon.

Gayunman, iniulat sa Bombo Radyo ni Bombo International Correspondent Roel Toquero ng Gimpo, South Korea na naitala ang kauna-unahang Korean celebrity na nagpositibo sa COVID-19.

Ayon sa kanya, naka-confine na sa Seoul Medical Center si Jung Yunhak na lider ng South Korean boyband na Supernova.

Inamin ng agency ni Yunhak na nagpositibo ito sa COVID-19 noong April 1 matapos bumalik ng SoKor mula Japan noong March 24.

Tiwala ang agency na agad makakarekober si Yunhak dahil light symptoms lamang ang nararamdaman nito.

Samantala, sinabi ng National Election Commission ng SoKor na matutuloy pa rin ang parliamentary elections doon sa April 15 sa kabila ng isyu ng COVID-19.

Ayon kay Toquero, nagsimula na noong April 1 ang 13-day campaign period ng mga kandidato kung saan inaasahang sesentro ang isyu ng mga ito sa assessment sa pagresponde ng South Korean governmnet sa COVID-19 pandemic.

Magsisilbi aniya ang midterm election bilang barometer sa sentimiyento ng mga taga-Korea sa susunod na 2020 SoKor presidential elections.

Ipinangako din aniya ng mga kandidato doon ang matiwasay na pangangampanya at pagsunod sa mga alituntunin na itinakda ng mga health officials kontra COVID.

Samantala, ipinadeport ng SoKor ang walong dayuhan mula sa anim na bansa na dumating o lumapag ng Incheon International Airport matapos tumanggi ang mga ito na sumailalim sa umiiral na mandatory 14-day self-isolation sa SoKor.

Ayon kay Toquero, isinailalim naman sa orientation ang mga nasabing dayuhan bago pa sila nagtungo ng SoKor ukol sa umiiral na batas doon na mandatory 14-day self-isolation ng mga galing ibang bansa.