Todo depensa pa rin ang Office of the Vice President (OVP) sa kanilang P2.92 billion budget para sa susunod na taon.
Sinabi ng tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte na si Reynold Munsayac na ang sakop daw kasi nito ang basic social services sa buong bansa.
Kabilang na raw dito ang medical assistance, burial assistance at ang libreng sakay program ng ating pamahalaan.
Kasama pa rito ang livelihood programs na Magnegosyo ta dai at ang Peace 911.
Sinabi ni Munsayac na ang pondo sa ilalim ng proposed confidential fund ay gagamitin na mayroong parameters na itinakda ng Department of Budget and Management (DBM) at Commission on Audit (COA) sa kanilang joint circular.
Magagamit din umano ang naturang pondo para mapanatili ang peace and order sa bansa.
Kaya naman, malinaw na malinaw daw kung saan gagamitin ang confidential fund.
Tiniyak din ng OVP na kanilang gagamitin nang maayos ang pondo maging ang transparency para sa kanilang future transactions at programs.
Samantala, nakapagproseso na rin daw ang OVP ng mahigit pitumput tatlong milyong piso na cash aid sa pamamagitan ng basic services program nationwide.
Sa ngayon ay mayroon na raw limang-libo anim na raan at apatnaput limang aplikasyon para sa medical at burial assistance.
Nasa tatlumput anim na milyon na raw sa pondo ang nailabas para sa tatlong libo at walumput siyam na cash aid beneficiaries.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na rin daw ang OVP sa Department of Health (DoH) para makapagbigay ng mas madaling access sa medical assistance para sa mga indigent patients.
Nakapag-identify na raw ang mga ito ng tatlumput isang public hospitals na bibigyan ng OVP at DOH ng pondo para sa mga pasyenteng hindi makakabayad ng buo sa kanilang hospital bills.
Maliban naman sa medical at burial aid, ang Libreng Sakay program ng OVP ay nakapagbigay na rin ng libreng sakay sa tatlumputdalawang libo, siyam na raan at limang pasahero.