LAOAG CITY – Pursigido ang Region 12 o Soccsksargen na makakuha ng mas mataas na pwesto sa Palarong Pambansa 2025.
Ayon kay Ms. Reah Joy Halique, Information Officer ng Soccsksargen, ito ay matapos silang magtapos sa ikawalong pwesto sa nakaraang taon na ginanap sa Cebu City.
Aniya, excited na ang kanilang mga pambatong atleta na lumaban sa iba’t ibang larangan ng laro.
Ipinaliwanag niya na determinado ang Soccsksargen na ibalik ang maraming medalya na magbibigay sa kanila ng mas mataas na pwesto ngayong taon.
Paliwanag niya na maganda ang paaralan na nagsisilbing Billeting Quarters nila dahil ito ay isang malaki at malawak na training ground para sa mga atleta.
Kaugnay nito, pinuri niya ang mainit na pagtanggap sa kanila mula sa Ilocos Norte Agricultural College at sa mahigpit na accommodation mula nang dumating sila dito sa Ilocos Norte.
Idinagdag niya na mayroong kabuuang 564 na delegado mula sa Soccsksargen kabilang ang mga atleta, coach, chaperone at Regional Technical Working Group.