-- Advertisements --

Nanawagan ang environmental watchdog group na EcoWaste Coalition sa mga debotong makikiisa sa Traslacion 2024 na panatilihin ang ‘smoke- at litter-free’ ng Traslacion ngayong taon.

Partikular nitong tinutukoy ang Rizal Park na kung saan gaganapin ang mayorya ng mga aktibidad na may kaugnayan sa Kapistahan ng Itim na Nazareno.

Batay sa RA 9003, mahigpit na ipinagbabawal ang paninigarilyo at pagkakalat sa Rizal Park upang mapanatili ang kalinisan sa lugar.

Sa isang pahayag , sinabi ni Ochie Tolentino, Zero Waste Campaigner ng EcoWaste Coalition, dapat ikonsidera ng mga indibidwal na magtutungo sa Rizal Park ang kapakanan ng kanilang kapwa.

Ito ay sa pamamagitan ng hindi paninigarilyo o paggamit ng vape.

Importante rin aniya na mapanatili ang kalinisan sa kapaligiran ng pinakamalaking urban park sa Metro Manila.

Aminado naman ang opisyal na malaking hamon parin ang panatilihing smoke- at litter-free ang buong Traslacion,.

Sa kabila nito ay umaasa si tolentino na mananaig pa rin sa mga deboto ang kanilang respeto sa Poong Nazareno.

Ito ay sa pamamagitan ng hindi pagkakalat sa mga lugar na pagdarausan ng malaking event.

Binigyang diin pa ng EcoWaste na ito ay isang magandang pagkakataon na makiisa ang bawat isa sa “Zero Waste Month” ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na “Kalinisan sa Bagong Pilipinas” program.

Siguro naman ng EcoWaste na magpapakalat rin sila ng mga tauhan para maglinis sa paligid ng Quirino Grandstand sa Martes.