CENTRAL MINDANAO- Isa na namang Skills Training program hinggil sa food processing ang isinulong ni Governor Nancy Catamco sa bayan ng M’lang, Cotabato, kaakibat ang Investment and Promotion Center, Deparment of Science and Technology (DOST), at Department of Trade and Industry.
Ang dalawang araw na programa ay sinimulan nitong Septyembre 8 at 9.
Ang unang bahagi ng programa ay ukol sa pagtuturo sa mga lumahok kung paano gumawa ng wine, partikular na ang proseso ng Pomelo wine.
Nagkaroon ng representasyon ang mga sektor na lumahok sa programa, na may kabuoang 56 na partesipante.
Pinangunahan naman ni Sapia Sindatok-Uka (Sapia), Training Program Coordinator (DOST 12), ang pagtuturo ng paggawa ng wine. “Pwedeng-pwede po gamitin ang kahit na anong prutas sa pag gawa ng wine. Ang mahalaga ay maganda dapat ang kalidad ng mga sangkap na gagamitin. Madali lang po ang proseso.”, ayon kay Sapia.
Isa sa mga dumalo ay si Ginang Laila Japitana Platon, isang solo parent at myembro ng Kalipi Women’s Association M’lang chapter. “Magandang oportunidad po itong binigay nila sa amin. Lalo na at dito sa bayan namin ay maraming taniman ng Pomelo.”, ani ya.
Inaasahan na magiging oportunidad ang pag-gawa ng Pomelo wine upang mas kilalanin pa ang bayan ng M’lang. Magandang oportunidad rin ito para sa pangkabuhayan ng mga tagaroon, at isang magandang industriya na makakatulong para sa paglago ng ekonomiya ng nasabing bayan.
Ang programa ay naisulong sa layunin ni Gov. Catamco na magkaroon ng mga produktong “gawang-North Cotabato”, na ating maipagmamalaki at tutulong sa pagbangon ng ating ekonomiya sa harap ng pandemya.