KORONADAL CITY – Patay ang isang sangguniang kabataan member ng Kalawag 2 , Isulan, Sultan Kudarat sa banggaan ng motorsiklo at isang multicab sa kahabaan ng national highway sa bayan ng Bagumbayan, Sultan Kudarat.
Ito ang kinumpirma ni Police Major Albert Fornan, chief of police Bagumbayan PNP sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Kinilala ni Major Fornan ang biktima na si Jayson Pascua, isang SK kagawad ng Kalawag 2, Isulan, Sultan Kudarat.
Ayon kay Fornan, lumabas sa kanilang imbestigasyon na binabaybay ng biktima sakay ng isang motorsiklo ang kahabaan ng national highway galing sa bayan ng Isulan patungo sanang Poblacion ng Bagumbayan para maningil ng utang kasama nito si Joey Buem Sawit na taga-bayan ng Norala South Cotabato, pagsapit sa lugar ng insidente, nakasalubong nito ang isang blue na multicab na minamaneho ni Fahad Sandigan Mamansalit na residente ng Sitio Mantisao in Barangay Bual, Isulan, Sultan Kudarat na liliko sana sa direksyon na tinatahak ng mga biktima na naging sanhi ng head-on-collision ng dalawang sasakyan.
Sa lakas ng impact , tumilapon si Pascua at Sawit at nagtamo ng sugat sa ibat-ibang parte ng katawan, habang wasak naman ang harapang bahagi ng multicab ngunit wala namang natamong gasgas ang mga sakay ng multicab.
Dead-on-the spot si Pascua dahil natanggal ang helmet na suot nito habang mabilis naman na isunugod sa bahay pagamutan si Sawit.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Bagumbayan PNP si Fahad.
Kung maaalala, magdidiwang pa sana ng anibersaryo si Pascua at ang nobya nito sa araw na nangyari ang insidente.