CAUAYAN CITY- Pinapalakas ng Sangguniang Kabataan o SK Federation ng Santiago City ang mga aktibidad upang mailihis sa pagkalulong sa illegal na droga.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bb. Lyka Angela Posidio, Pangulo ng Sangguniang Kabataan Federation Santiago City,inihayag nito na hamon para sa SK Federation Council ang pag-abot sa mga kabataan sa Lunsod bunsod na rin ng nararanasang pandemya.

Inamin ng SK Federation President na mahirap magsagawa ng Face to Face Dialogue dahil sa mga umiiral na Minimum Heal Standards kaya mas pinapalakas na lamang ng kanilang tanggapan ang kanilang pakikipagugnayan sa mga kabataan sa tulong ng internet o sa pamamagitan ng Online Dialogue.

Ilan sa mga programa ng SK Federation ang mga Social Media Contested Activities partikular ang mga patimpalak Online kaugnay sa Covid19, anti Drug Abuse Campaign, kampanya kontra terorismo at iba pa na tuloy-tuloy na ilalatag ng kanilang tanggapan.

Umaasa ang SK Federation President na makakatulong ang mga programang ito para matuon ang atensyon ng mga kabataan sa ibang gawain at mabigyan ng pagkakaabalahan upang maiwasan ang tukso ng paggamit ng droga at iba pang bisyo kalakip ang mga papremyo at iba pang insentibo.

Muli naman siyang nagpaalala sa mga kabataan na ugaliing sumunod sa kanilang mga magulang dahil sila ang higit na nakakaalam ng ikakabuti ng mga ito .