-- Advertisements --

NAGA CITY- Nilinaw ng namamahala sa Naga City District Jail na normal pa rin ang sitwasyon sa kanilang pasilidad sa kabila ng problema na nararanasan ng bansa sa COVID-19.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay JCI Gerardo Berdin, jail warden ng Naga City District Jail, ayon umano sa nakarating na abiso sa kanila ay kung may makaramdam ng sintomas ng COVID-19 sa mga preso ay agad na i-isolate upang hindi na makahawa pa sa ibang mga preso at opisyal.

Ayon kay Berdin, magkakaroon din sila ng rotation sa mga opisyal na nagbabantay sa pasilidad para maiwasan na hindi bumaba ang morale ng mga ito.

Bukod dito, may mga aktibidad din umano silang ginagawa sa loob ng compound gaya ng iba’t-ibang sports at recreational.

Kaugnay nito ay tiniyak ni Berdin na mahigpit ang kanilang isinasagawang pagbabantay upang maiwasan ang pagkakaroon ng kaso ng COVID-19 sa loob ng pasilidad.