-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN – Nananatiling tahimik ang sitwasyon sa Jerusalem sa gitna ng nagpapatuloy na sigalot ng Israel at Hamas sa bahagi ng Gaza.

Sa panamayan ng Bombo Radyo Dagupan kay Bombo International News Correspondent Jonel Adbalagao, sinabi nito na hindi kahalintulad sa dati nilang sitwasyon nang sila ay nasa Ashqelon pa lamang ay minsan pa lamang umano silang nakaranas ng pagtunog ng sirena sa lugar na kanyang kinaroroonan ngayon.

Sa pagbabahagi nito ng kanyang naging karanasan nang ito ay nasa Ashqelon pa, hindi ito nakabalik sa kanilang lugar sapagkat nabalitaan niyang nakapasok na doon ang mga terorista.

Pagkatapos nito aniya ay direderetso na ang kanilang naging kalbaryo lalo na sa kasagsagan ng sagupaan kung saan ay sunod-sunod ang nararanasan nilang pagtunog ng mga sirena kaya naman ay kaagad itong nagsabi sa kanyang amo na ilikas na lamang sila.

Sinabi ni Adbalagao na sa kasalukuyan ay nananatili sila sa isang home care na nagsisilbing tinutuluyan ng ilan ding mga Pilipino na nagpapalikas mula sa Ashqelon at iba pang mga lugar na malalapit sa Gaza.

Saad pa nito na kahit pa mas mahirap ang sitwasyon at pagkilos nila ngayon sa Jerusalem partikular na sa pamamaraan ng kanilang pamumuhay ay naniniwala naman ito na mas ligtas sila sa kanilang kinaroroonan ngayon kaysa sa mga lugar na malapit sa sentro ng kaguluhan.