-- Advertisements --

Naniniwala si Private Hospital Association of the Philippines Inc. (PHAPi) President Rene de Grano na manageable pa rin ang sitwasyon ng mga ospital sa bansa.

Ayon kay Dr. de Grano, ito ay sa kabila pa ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 at mga influenza-like illnesses sa buong bansa.

Nananatili aniyang manageable ang utilization rate ng mga private hospital sa buong bansa, sa kabila na rin ng naturang datus.

Ayon kay Dr. De Grano, dahil sa hindi na gaanong seryoso ang mga ipinapakitang sintomas ng mga pasyente, lalo na sa mga mayroong COVID-19, hindi na mandatoryo ang hospital admission, bagkus ay tanging home isolation na lamang.

Maliban dito, ang mga pasyenteng naka-admit sa mga pribadong ospital ay nasa kategorya lamang ng low-risk mula sa COVID-19 habang ang iba ay tanging incidental cases lamang.

Maalalang una nang sinabi ni Health Undersecretary Enrique Tayag na mayroon nang tatlong pangunahing ospital sa buong bansa ang naka-abot sa maximum bed capacity.

Kinabibilangan ito ng Philippine Children’s Hospital, National Kidney and Transplant Institute, at Medical City.

Pero nilinaw din ni Health Secretary Teodoro Herbosa na naabot na ng mga naturang ospital ang kanilang maximum bed capacity dahil sa limitadong bilang ng mga bed units para sa mga bed patients.

Ito ay dahil na rin sa ibinaba na ang bilang na ginagamit sa mga pasyenteng may COVID-19 simula tinanggal na ang Covid-19 public health emergency. (Reports from Bombo Genesis Racho)