-- Advertisements --

Maaaring masimulan sa sunod na 2 linggo pa ang siphoning operations sa tumagas na langis mula sa lumubog na MT Terranova sa may Limay, Bataan.

Ayon sa Philippine Coast Guard, kailangang palitan pa ang initial capping bags nang mas matibay na metal caps para makayanan nito ang masamang lagay ng panahon at gagawing siphoning operations.

Kayat aabutin aniya ng isang linggo para magawa ang metal capping at panibagong 7 araw para mailagay ito. Bunsod nito, inilipat ang siphoning operations 2 linggo mula ngayon.

Tiniyak naman ng PCG na may nakalatag na control measures kabilang ang oil spill booms at oil dispersants na dinala na sa lugar kung kinakailangan.

Batay sa PCG, naselyuhan na ang lahat ng tank valves at high-level alarm pipes ng lumubog na motor tanker habang naka-preposition naman na sa lugar ang working barge at receiving tanker.