-- Advertisements --

Si Peter Haynes ay isang British barrister o abogado na kilala sa paghawak ng mga kasong may kaugnayan sa international criminal law at human rights.

Nagsilbi rin siyang dating presidente ng ICC Bar Association, ang samahan ng mga abogado na humahawak ng mga kaso sa International Criminal Court (ICC).

Kilala si Haynes bilang eksperto sa international humanitarian law at cross-border criminal litigation, at may malawak na karanasan sa mga kasong dinidinig sa ICC sa The Hague, Netherlands.

Bago maging abogado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, humawak na si Haynes ng ilang high-profile international cases na may kaugnayan sa crimes against humanity, war crimes, at human rights violations.

Kabilang sa kanyang naging prominenteng kliyente si Jean-Pierre Bemba, dating vice president ng Democratic Republic of Congo. Naging lead counsel siya ni Bemba mula 2010 hanggang 2018 sa kasong war crimes at crimes against humanity sa ICC.

Noong 2018, nabaligtad sa appeal ang conviction ni Bemba, isa sa iilang full acquittals sa kasaysayan ng ICC.

Kinatawan din ni Haynes si Joseph Kony, lider ng rebeldeng grupong Lord’s Resistance Army (LRA) sa Uganda, na nahaharap sa mga kasong war crimes at crimes against humanity kaugnay ng mga pagpatay, torture, rape, at paggamit umano ng child soldiers.

Bukod dito, humawak din si Haynes ng mga kaso sa dating International Criminal Tribunal for the former Yugoslavia at sa Special Tribunal for Lebanon, kabilang sa mga kasong hinawakan niya rito ay may kaugnayan sa genocide, terrorism, at crimes against humanity.