Pinababalik na sa pwesto ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang sinibak na intelligence chief ng AFP na si Maj. Gen. Alex Luna at Civil Military Operations (CMO-J7) chief Maj. Benedict Arevalo matapos mabatid na walang kinalaman ang mga nasabing opisyal sa paglabas ng umano’y red tag list.
Matapos ang ilang buwang pag-iimbestiga kaugnay sa nasabing kontrobersiya, napatunayang walang kasalanan ang dalawang heneral dahilan para pinare-report na sila muli sa kanilang pwesto.
Ayon kay Lorenzana, kaniyang binalaan si Gen. Luna na ayaw na nitong may mangyari pang kahalintulad na insidente.
Nilinaw ng kalihim na hindi pa “cleared” sa liability ang dalawang heneral, bagkus sila ay naparusahan dahil sa command responsibility.
“I have exhaustively reviewed the case involving Maj. Gen. Benedict Arevalo and Maj. Gen. Alex Luna. From the reports submitted to me, I believe that both men were NOT directly responsible for the lapse over the publication of the unverified and unofficial list of UP students who have been linked with left-leaning groups. I am not completely clearing them of liability, in fact they were punished under the principle of command responsibility. Their track records would show that they have always performed their duties conscientiously and competently,” pahayag pa ni Lorenzana.
Giit ni Sec. Lorenzana, siya ay naniniwala sa “second chances” dahilan kaya pina-reinstate niya sa pwesto ang dalawang heneral.
Aniya, nadamay lamang ang dalawang opisyal sa hindi nila kasalanan, kaya nararapat lamang na bigyan sila ng panibagong pagkakataon.
Una nang sinibak sa pwesto ni Lorenzana si Luna noong Jan. 28, 2021 matapos malathala ang isang listahan ng mga indibidwal na na-red tag bilang miyembro ng NPA at napatay ng militar sa operasyon.
Si M/Gen. Benedict Arevalo naman, bagamat hindi siya sinibak sa pwesto ay kusa itong nagbitiw dahil sa kontrobersiya dahil ang kaniyang opisina ang nag-publish ng nasabing listahan.
Ang nasabing red tag list ay nagmula sa opisina ni Luna sa OJ2.
“I have requested that the AFP reinstates Maj. Gen. Arevalo and Maj. Gen. Luna to their previous commands, but with the stern warning that similar incidents cannot and should not happen again in the future. Naniniwala ako sa second chances, lalo na kung nadamay lamang naman sila sa pagkukulang at pagkakamali ng iba. Bigyan natin sila ng panibagong pagkakataon na patunayan ang kanilang katapatan sa kanilang tungkulin,” wika pa ni Lorenzana.