-- Advertisements --

Tinututukan umano ng Philippine National Police ang pagsasagawa ng communication at simulation exercises para sa security preparations nito sa State of the Nation’s Address ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.

Ito, ayon kay PNP Spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, ay sa likod ng 100% na kahandaan ng Pambansang Pulisya.

Ayon kay Fajardo, tuloy-tuloy pa rin ang ginagawa nilang last minute review sa ilalatag na seguridad, upang matukoy kung mayroon pang pagkukulang sa mga plano nito.

Sa kasalukuyan ay kasado na aniya ang traffic control, police deployment, patrol operations, at iba pang measures na kanilang naisapinal sa pamamagitan ng mahaba-habang pagpaplano at pagpupulong.

Samantala, nanawagan naman ang opisyal sa publiko na tumalima sa ipatutupad na gun ban sa mismong araw ng SONA ng Pangulo, o mula 12am ng July 24 hanggang 12am ng July 25.

Paliwanag ni Fajardo, mas maikli ang ipatutupad na gun ban ngayong taon kumpara sa nakaraang SONA ni Pang. Marcos, batay na rin sa isinagawang risk at security assessment.