-- Advertisements --

Personal na bumisita at humingi ng paumanhin si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla sa lalaking tinekitan matapos na hulihin dahil sa paghahalo ng semento nang walang suot na damit pangitaas sa Mandaluyong City.

Sa kaniyang naging pagbisita, inamin mismo ng kalihim na nagkaroon siya ng pagkukulang sa pagbibigay niya ng direktiba sa mahigpit na implementasyon ng mga lokal na ordinansa sa ilalim yan ng Safer Cities Initiative ng departamento.

Ani Remulla, magkakaroon na ng mga konsiderasyon sa pagpapatupad ng mga ordinansa gaya na ang pagbibigay ng exemption sa mga nagtatrabaho sa ilalim ng init o nakabilad sa mainit na panahon habang ang mga maaabutang tambay o lumalabas ng walang damit na lamang ang pwedeng sitahin at tiketan.

Samantala, ibinalik rin ng kalihim ang P500 halaga ng ibinayad ng lalaki sa kaniyang natanggap na ticket at bilang pagpapakita ng kaniyang sinserong paghingi ng tawad ay sinagot na rin ni Remulla ang gastusin para sa ipinapaayos na tiles ng pamilya ng lalaki.