Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na magiging transparent at dadaan sa tamang mga procedural process si dating Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co kapag nakalapag na ito sa bansa.
Ayon kay PNP Spokesperson and Public Information Office (PIO) Chief PBGen. Randulf Tuano, magmula sa pagdating ni Co sa Pilipinas, hanggang sa kaniyang mga booking procedures gaya ng mugshots and medical examination at hanggang sa magiging pagharap nito sa Sandiganbayan, paiiralin ng Pambansang Pulisya ang kanilang pagiging transparent.
Matapos nito ay inilatag naman ni Tuano ang mga hakbang at proseso na siyang susundin pagdating ng dating kongresista na siyang maguumpisa sa Department of Foreign Affairs (DFA) para sa pag-turn over kay Co sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at tsaka dadalhin sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa loob ng Camp Crame para sa booking procedures gaya ng pagkuha ng fingerprint, mugshot, medical at physical examination bago dalhin sa Sandiganbayan para sa return of warrant of arrest.
Ani ng tagapagsalita, bagamat ang mga usapin ng detalye ay nasa panig ng DFA, inatasan na rin ni PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang pulisya na paghandaan ang mga magiging scenario para sa pagdating ng mambabatas sa Philippine Airport.
Samantala, kaugnay nito, patuloy ang pakikipagugnayan ng pamahalaan sa foreign counterparts para matiyak na mapapauwi sa lalong madaling panahon si Co para kaharapin ang kaniyang mga kaso at bigyang linaw ang misteryo sa flood control scandal.
















