-- Advertisements --

CEBU CITY – Nagsagawa ng silent protest sa iba’t ibang lugar ng Cebu City nitong araw ng Lunes ang PISTON-Cebu upang hilingin sa pamahalaan na pahintulutan silang mag-operate sa gitna ng banta ng sakit na coronavirus 2019 (COVID-19).

Kinontra rin ng grupo ang mga direktiba mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB)na kukuha muna ng special permit ang mga public utility vehicles (PUV) bago makabalik sa mga kalsada.

Dismayado rin ang mga ito sa desisyon ng pamahalaan na unahin ang jeepney modernization program sa gitna ng pandemya at lumabas na binalewala na ang mga operator at driver ng mga tradisyunal na jeep.

Kung maaalala, halos limang buwan na simula nung pinagbawalang makabiyahe ang mga jeepney nang ipatupad sa lockdown ang iba’t ibang bahagi ng lugar sa bansa.

Samantala, pinahihintulutan na ng LTFRB-7 ang mga PUJs sa probinsiya ng Cebu na makabalik na sa biyahe sa mga kalsada. Ito’y matapos isinailalim na ang probinsiya sa Modified General Community Quarantine (MGCQ).