-- Advertisements --

CEBU – Temporaryong ipinasara ng lokal na pamahalaan ng Panglao, Bohol ang sikat na Virgin Island matapos itong pina-imbestigahan ng Department of Tourism.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Panglao Mayor Eduardo Arcay, sinabi nito na ang lahat ng 16 na stalls ang hindi na muna makapagbenta ng kanilang mga pagkain sa nasabing tourist destination.

Ayon sa alkalde na ang mga apektadong ‘vendors’ ay temporaryo na munang ilalagay sa kanilang night market.

Inamin naman nito na walang permit ang mga ito na magbenta ng mga seafood o kahit anong produkto sa Virgin Island.

Aniya, patuloy ang kanyang pakikipag-ugnayan sa Panglao Tourism Council upang ma-regulate ang mga binebentang pagkain o anumang produkto sa nasabing isla.

Inilarawan ng alkalde na napakaganda ng Virgin Island na kinagigiliwan ng mga dayuhan at lokal na turista at sa ngayon ay mas mabuting makapagpahinga na muna ang lugar sa dami ng tao habang isinasagawa naman ang imbestigasyon.

Habang, nakikipag-ugnayan na rin ang Department of Tourism sa Department of Trade and Industry o DTI para suriin ang presyohan ng mga ‘commodities’ hindi lang sa Virgin Island kundi sa lahat ng mga tourist destination sa buong bansa.

Inihayag ni DOT Undersecretary Atty. Elaine Mae Bathan na sineryoso ni Secretary Christina ang nasabing isyu dahil importante ngayon ang tourism industry sa pagrekober ng ekonomiya ng bansa matapos itong naging matamlay dahil sa naranasang COVID-19 pandemic.