Ipinahayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na posibleng magkaroon ng signal jamming bukas sa mismong araw ng inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Ltcol. Jenny Tecson, ang spokesperson ng NCRPO, ay ibinalita niya na parang magiging traslacion style ang gagawin bukas sa mismong area kung saan gaganapin ang seremonya.
Ito ay bilang bahagi pa rin ng mataas na lebel ng seguridad na ipapatupad ng pulisya sa nasabing mahalagang kaganapan na inaasahang dadaluhan naman ng nasa mahigit-kumulang 1,500 na mga VIPs (very important person) at VVIPs (very very important person).
Bukod dito ay muli rin namang ibinalita ng tagapagsalita na all system go na rin ang pulisya para rito kasabay ng pagtiyak na hinding-hindi nila hahayaan na makapasok sa lugar ang sinumang nais manggulo sa nasabing aktibidad katuwang ang iba’t-iba pang allied agencies nito.










