Ipapadala na ng Commission on Elections (Comelec) ang show cause order sa pamamagitan ng email sa mga kandidato ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) na posibleng may mga paglabag sa halalan.
Ang hakbang na ito ayon kay Comelec Chairman Garcia ay naglalayong mapabilis ang pagsugpo sa mga lalabag sa halalan. Sinabi ng Comelec na mayroong mahigit 1.4 milyong katao ang naghain ng kanilang certificate of candidacy para sa 2023 barangay at SK elections.
Paliwanag ni Garcia ang mga nakatanggap ng show cause notice ay may tatlong araw mula sa petsa ng pagtanggap para iharap ang kanilang kaso. Kung gagawin sa pamamagitan ng email, ang petsa aniya ng pagpapadala ay pareho din sa petsa ng pagtanggap.
Nitong weekend, iniulat ng poll body na insyuhan ng show cause order ang 102 kandidato ng BSKE upang ipaliwanag ang mga posibleng paglabag ng mga ito kabilang ang premature campaigning na karamihan ay sa Metro Manila, habang wala pa namang natatanggap na reklamo mula sa Visayas at Mindanao.
Bagama’t inaasahan ng Comelec na tataas pa ang bilang sa mga susunod na linggo, patuloy na nagbabala ang Comelec laban sa maagang pangangampanya dahil maguumpisa pa lamang ang campaign period mula Oktubre 19 hanggang Oktubre 28.
Nitong Setyembre 8, mayroon nang 168 na petisyon na nauugnay sa BSKE na inihain sa Comelec kung saan karamihan sa mga petisyon ay tungkol sa citizenship at residency at isa lamang ang nauugnay sa maagang pangangampanya.
Nauna ng sinabi ni Comelec chairman Garcia na layunin nilang resolbahin ang mga petisyon para maideklara na ang mga nuisance candidate bago ang araw ng halalan sa Oktubre 30.