-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Kinumpirma ni Western Mindanao Command spokesman Major Arvin Encinas na may intelligence report silang natanggap tungkol umano sa planong sunod-sunod na pamomomba ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) at Abu Sayyaf Group (ASG) sa iba’t-ibang bahagi ng Mindanao.

Naniniwala si Major Encinas na kahit walang koneksyon ang pagpapasabog sa bayan ng Isulan at Sulu nitong weekend, ay bahagi ito ng planong paghahasik ng kaguluhan ng mga teroristang grupo.

Kaugnay nito, pinaaalerto ng AFP ang lahat ng tropa ng gobyerno dahil sa banta ng terorismo sa iba’t-ibang bahagi ng bansa lalo na sa isla ng Mindanao.

Pinaalalahanan naman ng militar ang mamamayan na maging alerto sa lahat ng oras lalo na kung pupunta sa mga matatao o pampublikong lugar na pinakatarget ng mga terorista.

Nabatid na nitong nakaraang Sabado ay nag-iwan ng walong sugatan ang pagpapasabog sa public market ng Isulan, Sultan Kudarat, habang patay naman ang pinaniniwalaang babaeng suicide bomber sa Sulu.