BAGUIO CITY – Ikinokonsidera na ng Philippine Military Academy (PMA) ang pagkuha nila sa serbisyo ng Philippine Navy Seals para magturo ng swimming sa mga kadete.
Kasunod ito ng pagpapahinto sa mga swimming class ng mga kadete sa PMA matapos ang pagkalunod ng nasawing si Cadet 4th Class Mario Telan Jr., sa pool ng akademya sa kasagsagan ng klase.
Ayon kay PMA Public Information Officer Captain Cheryl Tindog, gusto nilang ang mga mismong specialized forces gaya ng Navy Seals mula sa Naval Special Operations Group ng Philippine Navy ang makakasama ng mga kadete.
Aniya, makakatulong ito para mas mahasa pa ang kakayahan ng mga kadete sa water operations at maiwasan ang sinapit ni Cadet Telan.
Samantala, bumuo na rin ang PMA ng grupong susuri sa standard operating procedures (SOP) ng akademya kasama na ang pagsasagawa ng swimming class ng mga kadete para matignan kung may kulang sa mga alituntunin o sa pagpapatupad sa mga ito.
Ipinangako pa ni Tindog na ginagawa ng PMA ang lahat para hindi na maulit ang mga insidente at karahasan sa loob ng akademya, bagkus ay maipasiguro ang kabutihan at kaligtasan ng mga kadeteng nakatakdang maging mga opisyal ng armadong puwersa ng Pilipinas sa hinaharap.