Dinagsa ng mga senior citizen ang tanggapan ng Department of Social Welfare and Development Central Office para sa social pension payout ngayong taon.
Sa bisa ng Republic Act 11916 o Social Pension for Indigent Seniors Act, doble na ang makukuhang social pension ng mga senior citizen galing sa DSWD.
Nasa 250 na matanda sa Quezon City ang nabigyan ng unang Social Pension payout kasabay ng pagdiriwang ng ika 73 taong anibersaryo ng Department of Social Welfare and Development.
Mula sa dating ₱500 ay magiging ₱1,000 ang buwanang pensyon ng mga senior citizen.
Ayon kay DSWD Spokesman Rommel Lopez, halagang P6,000 ang tinanggap ng bawat isang QCitizen o social pension nito sa loob ng 6 na buwan.
Samantala, pinangunahan ni First Lady Liza Araneta- Marcos and ceremonial social payout kanina. Ayon sa ahensya, aabot sa 4,085,066 indigent senior citizens ang pasok sa social pension program para sa taong ito.