CAGAYAN DE ORO CITY-Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 69-anyos na ama sa mga kamay ng kanyang sariling anak sa Purok 4, Brgy Violeta, Malaybalay City Bukidnon.

Itoy matapos magtamo ng 11 sugat si Alfredo Paelmarin Jr, balo sa magkaibang bahagi ng kanyang katawan matapos tinaga gamit ang bolo ng kanyang anak na si Jorry Paelmarin, 33, binata, laborer na parehong residente sa naturang lugar.

Sinabi ni Malaybalay Police Station Commander Lt. Col. Jerry Tambis na simula noong bata pa lamang ang suspek ay palagi na itong sinasaktan kaya nagtanim ng galit at nagplanong patayin ang ama.

Bandang alas 9 kagabi ay nakita na lamang ang biktima sa kanilang bahay na duguan kaya agad isinugod sa ospital ngunit idineklara ng mga doktor na dead on arrival.

Nakuha sa posisyon ng suspek ang bolo na ginamit nito sa krimen.

Inihanda na ang kasong isasampa laban sa suspek.