Umaasa si Senator Jinggoy Estrada na paboran ng Supreme Court (SC) ang ipinasa na batas na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE).
Ginawa ni Estrada ang pahayag matapos hilingin ng abogadong si Romulo Macalintal sa Supreme Court na bawiin ang Republic Act No. 11935 o ang batas na nagpapaantala sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE), na orihinal na nakatakda sa Disyembre 5, 2022, hanggang sa huling Lunes ng Oktubre 2023.
Inihayag naman ng senador na ang pagsampa ng petisyon sa Korte Suprema ay patunay na nanaig ang demokrasya sa ating bansa.
Ngunit, umaasa siyang papanigan ng kataas-taasang hukuman ang ipinasa nilang batas.
Ipinunto ni Macalintal, sa ilalim ng kanyang petisyon, na hindi pinapayagan ng Konstitusyon na ipagpaliban ng Kongreso ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) o palawigin ang termino ng panunungkulan ng mga opisyal ng barangay.
Iginiit naman ni Estrada na ang nasabing awtoridad na ipagpaliban ang barangay elections gayundin ang Sangguniang Kabataan elections ay sa katunayan ay ginamit nang tatlong beses sa nakaraan bago ang pagsasabatas ng RA 11935.