Umapela si Senador Imee Marcos sa Department of Justice (DOJ) na pag-isipang bigyan ng extended medical furlough sa bahay si dating senador Leila de Lima matapos ang insidente ng hostage-taking sa loob ng Camp Crame noong Linggo.
Nakiisa rin ang mambabatas sa panawagan para sa mabilis na pagresolba sa mga kasong isinampa laban sa dating senador.
Sinabi ni Marcos na “sobrang nag-aalala” sila tungkol sa hostage crisis na nangyari sa loob ng Philippine National Police Custodial Center noong Linggo at ibinunyag niya na itinutulak niya ang pinalawig na medical furlough ni De Lima mula noong Hulyo.
Umaasa siya na pakinggan ni Justice Sec. Boying ang kaniyang hinaing ” for humanitarian reasons”.
Noong Lunes, sinabi ni Atty. Filibon Tacardon, isa sa legal counsel ni De Lima, na pinag-aaralan nila ang posibleng home furlough para sa dating senador.
Sinabi ni Tacardon na si Senator Marcos ang nagpaalam sa kanila na ang DOJ at ang PNP ay nag-aalok kay De Lima ng home furlough.
Binanggit ni Marcos ang pangangailangang agarang resolbahin ang mga kasong isinampa laban kay De Lima.