Nais ngayon ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros na magkaroon ng justification kaugnay ng pinakahuling issuance ng order na nagpapahintulot sa pag-aangkat ng 440,000 metric tons ng asukal sa bansa.
Paliwanag ng senadora, wala raw kasing pirma si Pangulong Ferdinand “Bongbong”Marcos Jr sa Sugar Order No. 6.
Isa pa rin ang isyu sa volume na 440,000 metric tons gayong ang isinusulong ng mga sugar producers ay 33,000 metric tons lamang.
Maliban dito, kinuwestiyon din ni Hontiveros ang Department of Agriculture (DA) dahil sa pagpapahintulot nitong aprubahan ang naturang volume sa mga importers na nasa dating orders at lumalabas na sila ay pro-rated based sa mechanical computation.
Hindi rin inaalis ng mambabatas ang posibilidad na nagkaroon ng technical smuggling matapos nitong banggitin na ilang stock daw ng asukal ay naangkat na bago iisyu ang sugar order.
Kung maalala, kahapong nang ilabas ng Sugar Regulatory Administration ang order na nag-ootorisa sa importation ng 440,000 MT ng refined sugar kahit walang pirma ang Pangulong Marcos na siyang chairman ng Sugar Regulatory Administration Board dahil siya rin ang kalihim ng Agriculture department.
Ang Sugar Order No. 6, ay ini-upload sa Sugar Regulatory Administration website.
Makikita ditong ang dokumento ay ipinasa sa Office of the President noong Pebrero 9, 2023.
Pirmado naman nina SRA Administrator David John Thaddeus Alba (vice-chairperson), SRA Board members Mitzi Mangwag (millers’ representative) at Pablo Luiz Azcona (planters’ representative) ang naturang dokumento.
Signatory rin sa pinakahuling order si Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban.