-- Advertisements --

Pinangunahan ni Senator Christopher “Bong” Go ang paglulunsad ng 157th Malasakit Center sa bansa kahapon, Marso 24, sa Cebu City Medical Center (CCMC).

Inanunsyo nito na may kabuuang P20 milyong halaga ng tulong medikal para sa mga mahihirap na pasyente ang ida-download sa Malasakit Center ng nasabing pagamutan.

Sinabi pa ni Go na hindi bababa sa 700,000 pasyente sa Central Visayas ang nakinabang sa tulong at serbisyo ng Malasakit Centers sa mga pampublikong ospital sa rehiyon.

Nangako naman ng tulong pinansyal ang senator sa 58 security guards at 78 janitor ng nasabing pagamutan.

Sinabi ng opisyal na ang tulong ay manggagaling sa alokasyon ng pondo ng Department of Social Welfare and Development’s Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).

Maliban sa paglulunsad ng Malasakit Center, ininspeksyon din ni Go ang isinasagawang konstruksyon ng Super Health Center sa Barangay Poblacion, Cordova kung saan inaasahang magiging operational sa Hulyo ngayong taon, na nag-aalok ng mga serbisyong medikal tulad ng panganganak, parmasya, laboratoryo, at X-ray.

Namamahagi din ito ng tulong sa 1,000 mahihirap na residente ng Cordova, karamihan sa mga benepisyaryo ay mga TODA drivers.